‘Saktong dalawang linggo na ang nakaraan nang makatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa aking kaibigang si Coni. Tinanong nya ako kung libre pa ang iskedyul ko para sa magkasunod na Sabado’t Linggo, at nang ako ay umo-o, saka nya sinambulat ang kanyang magandang balita noon. Inimbitahan nya ako na magbigay-review sa mga estudyante ng eskwelahan nila ng Nursing sa Caloocan City. Ang adres ay Caloocan City ngunit dulo na ng FAiRview at bago mag-San Jose Del Monte sa Bulacan ang lugar ng naturang eskwelahan. Malayo. Malapit lamang sa La Mesa Dam.
Ang trabaho - Walong oras isang araw, sa dalawang magkasunod na Sabado’t Linggo; Isang libong piso bawat oras. Suma-tutal e, treinta y dos mil sa apat na araw. Hindi masama ! ‘Saktong pambayad sa katapusan sa mga inutang sa credit cards.
Ang imbitasyon ni Coni para sa naturang part-time job ay dumating dalawang araw bago ang iskedyul na trabaho, kaya ako ay halos walang panahon para maghanda. Wala na ring panahon para kabahan at mag-alinlangan kung ano, saan, sino ang mga aking tuturuan sa eskwelahang iyon. Ang inisip ko na lamang, hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon.
Isang gabi bago ang unang Sabado ng review, tumawag si Coni sa bahay at sinabing hindi nya ako masasamahan sa una kong araw sa eskwelahang pinagtuturuan nya sa kadahilanang walang mag-aalaga sa kanyang anak. Kaya tinuruan nya na lamang ako ng mga palatandaan sa lugar kung paano makararating sa lugar ng review.
Kinabukasan, maaga akong umalis ng bahay, sumakay ng taxi na suot ang kulay lilang-neck tie at kulay-tsokolateng jacket. Maulan. Umuulan noong mga panahong iyon. Wala pang tatlumpong minuto ay narating ko na ang lugar ng review. ‘Sakto sa desktripsyon ni Coni ang lugar. Pamilyar ako sa adres dahil kami ay nagsisimba sa Grotto sa San Jose Del Monte noon pa mang araw. Nagbayad ako ng P250 sa taxi (kasama na ang tip) at pumunta sa gate ng paaralan. Hiningan ako ng ID ng sekyu at tinuro sa akin kung saang opisina dapat muna ako tumuloy. Halos mahigit isang oras din akong naghintay bago pa man dumating ang mga tao na tatanggap sa akin sa eskwelahang iyon. Maulan. Ngunit magiliw naman ang mga staff sa pagtanggap sa akin. Sinamahan na ako ng isa sa kinauukulan sa lugar na pagddausan ng review.
Nasa ika-limang palapag ata ang lugar ng review. Halos hingal-kabayo ako sa pag-akyat ng bilding. Ang iniisip ko na lamang noon ay ang sweldo matapos ang trabaho. Nang tumambad sa akin ang lugar na pagdadausan, nakita kong may mga naghihintay na sa aking pagdating.
Lahat ng estudyante sa review na iyon ay ikalawa o ikatlong kurso na nila ang Nursing. Halos lahat sila ay nakatakdang kumuha ng board exam sa Disyembre. Halos lahat ay propesyonal na sa kanilang larangan. Higit sa sampu na naroon o isang section pa sa kanila ay binubuo ng pawang mga kagaya kong doktor. Karamihan ay mas may edad na sa akin. Hindi naman ako kinabahan. Wala pa ding alinlangan.
Ngunit ng tumambad sa akin na hindi pa naka-set-up ang lahat ng gagamitin ko sa aking pagre-review, medyo kumulo ang dugo ko. Walang LCD projector, wala pang computer, wala ding extension cords. ‘Sakto sa pananabik ng mga reviewees nang ako’y pormal ng ipakilala ng kanilang opisyal doon. Ang kawalan ng gamit at set-up ay hindi pumigil sa aking gawin ang naiatas gawin.
Sa bawat pagtuturo ko, nilalaan ko ang unang sampung minuto sa pagdama ng aking mga taga-pakinig o estudyante. Sa oras na malaman kong nakuha ko na ang interes ng aking publiko, tuloy-tuloy na… Masuwerte ako at ultimo mga doktor na di hamak mas may edad sa akin, mas eksperyensado sa akin, mas maalam sa akin ay naupo at nakinig, ang ilan pa ay nagsusulat habang binibigay ko ang review. Nakinig sila ng review hanggang alas singko ng hapon. May isa pa sa kanila na abogado, may ilang medical reps, may tapos ng Turismo, at kung anu-ano pang propesyon bago pa man nilang maisipang kumuha ng Nursing. Lahat sila ay may-kaya sa buhay. Magagara ang kanilang mga kotse na nakaparke sa harap ng eskwelahan nila. Halos lahat ay mas may edad sa akin. Ngunit lahat sila ay nakinig.
Kinagabihan, bumili ako ng sarili kong LCD projector. Kinabukasan, dinala ko din ang aking laptop.
Sa loob ng dalawang weekends, umuuwi ako ng hingal-kabayo ngunit may ngiti sa aking mga labi. Napakasarap ng pakiramdam ng pinapalakpakan matapos ang isang pagtuturo. Lalo na kung ang nagbibibigay halaga ay taos puso sa kanila. At nadama ko iyon sa kanila. Sa apat na araw o dalawang magkasunod na Sabado’t Linggong kasama ko sila, naramdaman kong nakakatulong din ako sa kapwa na higit sa akin, di lamang sa edad kundi sa estado ng buhay. Alam kong may naidagdag akong kaalaman sa kanila na naway magamit nila sa pagpasa sa boards. May kababawan man sa iba, pero masaya sa pakiramdam na nabigyan ako ng HALAGA.
—————————————————————————————————————————
Like this:
Like Loading...
OPINION COUNTS…